SPECIAL SESSION, SOLUSYON SA ISYU NG EDUCATION BUDGET
February 7, 2004
Nanawagan ngayon sa administrasyong Arroyo si senatorial candidate Boots Anson - Roa para sa pagsasagawa ng special session ng Kongreso upang maipasa ang panukalang batas na magpupuno sa kakulangan ng pondo ng Department of Education na gugugulin sa pagkuha ng 10,000 mga bagong guro.

Nabahala si Anson - Roa, propesor ng mga kilalang unibersidad sa bansa, dahil matatapos na ang sesyon ng Kongreso sa araw na ito subalit nananatiling nakabinbin ang panukalang titiyak sa mahahalagang proyekto ng kagawaran ng edukasyon.

Napag-alaman pa ng aktres na kapag hindi naipasa ang panukalang P 4 bilyong supplemental budget ay maraming proyekto ng DepEd ang mananatiling walang solusyon kabilang dito ang kakulangan sa may 10,000 mga guro, 2,500 na silid-aralan, mga textbooks at 200,000 high school scholars.

Ang pangamba ni Anson - Roa ay nag-ugat sa kabiguan ng Kongreso na maipasa ang 2004 Proposed National Budget dahil sa kawalan ng panahon at sa halip ay muling ipatupad ang 2003 General Appropriations Act para sa taong ito.

Aniya, mahalagang mapunan ang malaking kakulangan sa mga guro at textbooks upang masiguro ang kalidad ng edukasyon sa bansa para sa mga darating na henerasyon.

"Kinakailangang maging prayoridad ng pamahalaan ang paglaan ng pondo sa edukasyon dahil ito ang pangunahing paraan upang maiangat ng mga kababayan nating mahihirap ang antas ng kanilang pamumuhay."

Sa ganitong paraan ayon kay Anson - Roa ay higit na makikinabang dito ang mga mahihirap na magulang at mag-aaral lalo yaong mga nasa liblib na pook.

"Kung hindi natin isusulong na maipasa ang supplemental budget para sa DepEd ay parang inalisan na rin natin ng karapatan ang mga mag-aaral na magkaroon ng sapat na bilang ng mga guro, textbooks at classrooms. Patuloy na babagsak ang kalidad ng edukasyon sa bansa kung ang mga bagay na ito ay hindi matutugunan ng pamahalaan", ayon pa kay Anson-Roa.

Noong nakaraang taon, ang DepEd ay nakakuha ng P 111 bilyon na pondo. Sa muling pagpapatupad ng 2003 budget ay magiging P 106.4 bilyon na lamang ito.