| |
February 7, 2004
Umapila sa Malakanyang senatorial candidate Boots Anson-Roa ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) na agad
lagdaan ang Optical Media Bill at mapangalagaan ang nanganganib na industriya ng pelikula at musika.
Naniniwala ang premyadong aktres na makatutulong ang nabangggit na panukala upang mapigilan ang tuluy-tuloy na
pagbagsak ng industriya at ang pagbulusok ng ekonomiya ng Pilipinas.
Reaksyon ito ni Anson-Roa sa napaulat na pahayag ng Estados Unidos na ang walang habas na paglabag ng Pilipinas sa
intellectual property rights, at hindi si Fernando Poe Jr., ang dahilan ng kawalan ng tiwala ng mga negosyanteng
banyaga na mag-invest sa bayan.
Isang dating press and cultural attaché ng Pilipinas sa Amerika, idiniin ni Anson-Roa na malaki ang pag-asa ng
pamahalaang Arroyo na maibalik ang kumpiyansa ng mga negosyanteng banyaga sa ating bansa kung agarang mapipirmahan
ng Pangulo ang proposed Optical Media Act.
Nakiusap rin ang premyadong aktres na tigilan na muna ang paghahanap ng sisi sa pulitika at sa halip ay pag-aralang
mabuti ng pamahalaan kung paano pa maipamamayagpag ang sumasamang imahe ng bansa sa international community.
"Ipakita natin na tayo ay seryoso sa pagbigay proteksyon sa gawa at investments ng ibang bansang nangangalakal sa
Pilipinas. Natitiyak kong mababaon lang tayo sa kawalan ng pag-asa kung ipakikita natin sa mga dayuhan na wala
tayong alam gawin kung hindi maghanap ng escape goat sa halip na bigyang solusyon ang problema," paliwanag Anson-Roa,
kandidato sa pagka-senadora ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino na pinangungunahan ni Poe.
Nabatid na $ 116 milyon ang nalulugi sa mga dayuhang negosyante sa bansa dahil sa naturang pamimirata kung saan nasa
ika-pitong puwesto ang Pilipinas sa buong mundo na talamak sa pagpupuslit at pamimirata.
Noong nakaraang lingo ay ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Optical Media Bill na nagpapataw ng
hanggang P 3 milyong multa at siyam na taong pagkabilanggo sa sinumang sangkot sa film and music piracy
Binanggit pa ni Anson-Roa ang nakasaad sa nabanggit na panukala ang pagbabawal sa iligal na paggawa, pagko-kopya,
at pagbenta ng anumang VCD AT DVD.
Bubuwagin naman ang Videogram Regulatory Board at papalitan ito ng Optical Media Board na siyang mangangasiwa at
magpapatupad ng bagong batas na magbibigay proteksyon sa film and music industry.
Sa pamamagitan ng Optical Media Board ay magkakaroon ng sapat na ngipin ang VRB upang masawata ang malawakang
pamimirata ng VCD at DVD sa bansa.
|
|
|
|