SUPORTAHAN ANG ALTERNATIVE FILM MAKING
February 10, 2004
Dapat nang isulong ang alternative film making sa industriya ng pelikula upang masiguro ang pagkakaroon ng mga “qualify films” na maaaring ipagmalaki ng bansa, ayon kay Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) senatorial bet Boots Anson-Roa.

Kasabay nito, nanawagan si Anson-Roa, executive director ng Movie Workers Welfare Foundation, Inc. sa mga mamamahayag at miyembro ng indutriya ng pelikula na suportahan ang pagkakaroon ng alternative film making.

“Ako po ay nananawagan sa ating mga mamamahayag na tulungan kaming iparating sa mga tao na mayroong ganitong proyekto ang Mowelfund at National Commission for the Culture and Arts (NCCA) para matulungan ang industriya ng pelikula sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga lokal na pelikula,” aniya.

Aniya, maaaring gawing training ground ang alternative film making kung saan maaaring ibuhos dito ang talento ng mga artista, director at gumagawa ng pelikula.

“Malaki ang role na ginagampanan ng alternative cinema sa industriya dahil dito maaaring ibuhos ang kanilang creativity, talent, kanilang sensitivity nang hindi kailangang mag-alala kung maipapalabas ba ang pelikula,” pahayag ni Anson-Roa.

Ayon sa kaniya, nakausap na rin niya ang mga magagaling na artista gaya nina Albert Martinez, Richard Gomez, Ricky Davao, at Cesar Montano na handang umarte nang walang bayad para lamang makatulong sa industriya.

Nakiusap din si Anson-Roa na tangkilikin at i-preserba ang mga klasikong pelikula na i-dinirek ng mga batikang director ng pinilakang tabing.

Idinagdag pa ng batikang aktres na maraming bagay gaya ng pagbibigay impormasyon hinggil sa ganitong klase ng aktibidad ang maaaring iparating sa masa sa halip na kasiraan ng ilang mga artista.

“Kung minsan nakakalungkot isipin na puro pintas at batikos ang ibinabato sa mga artista natin sa halip na ipahayag sa taong bayan na maraming magagandang bagay ang ginagawa ng industriya, gaya nang ganitong mga aktibidad” ani Anson-Roa.

Noong nakaraang lingo ay inilunsad ika-11 taong Pelikula at Lipunan sa Annabels restaurant kung saan ito ay bahagi ng selebrasyon ng NCCA national arts month ngayong Pebrero.

Ang film festival ay magsisimula sa February 11 hanggang 15 kung saan unang isasalang dito ang pelikulang Zamboanga na siyang nagpasikat kay Da King Fernando Poe Jr., KNP standard bearer.