IPAKITA ANG MALASAKIT SA MGA PILIPINO, HILING NI BOOTS SA SC
April 16, 2004
Huling pagkakataon na ngayon ng Korte Suprema na ipakita ang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpigil sa patuloy na paggamit at pagwaldas ng pondo ng pamahalaan upang maisulong ang kandidatura ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Muling hinamon nina Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino senatorial bets Boots Anson-Roa at Amina Rasul ang Mataas na Hukuman na gamitin nito ang poder upang hindi na maulit sa hinaharap ang ganitong pang-aabuso ng mga nakaupong opisyal, higit sa lahat ng presidente.

Iginiit nina Anson-Roa at Rasul sa inihain nilang motion for reconsideration sa resolusyon ng Mataas na Hukuman na nagbasura noong Marso 30 ng kanilang hiling sa korte na ideklarang nagbitiw na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at patigilin siya sa patuloy ng paggamit ng kanyang posisyon sa pangangampanya.

Idineklara ng dalawang opposition senatorial bets na dapat kunin ang pagkakataon ng Korte Suprema na gamitin ang poder sa darating na halalan.

Si Arroyo na mismo, ayon sa kanila, ang nagmalaking handa siyang makulong kaysa tumigil sa paglabag niya ng mga batas sa ngalan ng paglilingkod sa mga mamamayan.

Ipinaliwanag nina Anson-Roa at Rasul na nasa mga kamay ngayon ng Korte Suprema ang pagsugpo sa ganitong pang-aabuso na maliwanag na paglabag sa espiritu ng batas na nagbabawal sa isang nakaupong pangulo na tumakbo muli.

Bagama’t hindi malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na bawal tumakbo si Arroyo, ang espiritu ng probisyon ng konstitusyon na nagbabawal ng re-election ng pangulo ay dapat sundin ng hudikatura.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Anson-Roa na marami nang mga desisyon ang Korte na nagsasaad na ang malalim na kahulugan ng mga probisyon ng Konstitusyon, hindi ang payak na probisyon, ang dapat mangibabaw at dapat masunod.

“Hindi namin hinihiling na madiskalipika si Arroyo sa pagtakbo. Ang tanging nais namin ay magbitiw siya sa katungkulan upang tumigil na siya sa patuloy na pagwaldas ng pondo ng pamahalaan upang manalo siya sa eleksyon,” sinabi ng premyadong aktres.

Idinagdag pa ng senatorial candidate na kapwa sila naniniwala ni Rasul na hindi salat sa kapangyarihan ang Korte Suprema upang patigilin ang walang habas na paglabag sa espiritu ng konstitusyion sapagkat nagpakita kamakailan lamang ang Korte ng pagiging progresibo sa paggawa ng desisyon kung ang isyu ay may malaking epekto sa kapakanan ng publiko.